106

Oct 23, 2017 @ 10:44

Proseso ng business permit, pabibilisin

Magiging mabilis na ang pagkuha ng mga dokumento at permit para sa mga negosyo sa Pilipinas.

Iyan ay kapag tuluyang naisabatas ang panukala na naglalayong tapusin ang napakabagal na sistema ng pagpro-proseso ng mga business permit mula barangay hanggang sa mga ahensiya ng gobyerno.

Inaprubahan na ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang House Bill 6579 o “An Act Establishing A National Policy On Ease Of Doing Business, Creating For The Purpose The Ease Of Doing Business Commission”.

Sa ilalim ng panukala, isang araw na lamang ang ibinibigay sa mga barangay para magproseso ng dokumento.

Tatlong working days naman ang itinatakda para sa mga ahensiya ng gobyerno para mag-isyu ng mga permit para sa simple application at 10 working days para sa tinatawag na complex applications.

Kung ang klase ng negosyo na nangangailangan ng permit ay dapat pang sumailalim sa technocal evaluation, 30 working days lang ang dapat na processing period.

Kung hindi ito magawa ng ahensiya sa takdang oras, ituturing nang aprubado ang application para sa permit ng isang negosyox

Ayon kay Batangas Rep. Vilma Santos-Recto, pangunahing may-akda ng bill, kailangan na itong mapagtibay dahil kulelat ang Pilipinas pagdating sa pagproseso ng business permit kumpara sa mga karatig bansa.

“Compared to our other ASEAN neighbors in the “Ease in Starting a Business” rankings, the Philippines has performed poorly,” sabi ni Santos-Recto. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?