56

By

Propaganda war kontra oposisyon, itinanggi ng Malacañang

Itinanggi ng Malacañang na may nagaganap na propaganda war sa pagitan ng gobyerno at oposisyon kasama na ang iba pang kritiko ng Duterte administration.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na ang oposisyon ang may propaganda para siraan si Pangulong Rodrigo Duterte at para palakasin ang mga kandidato ng Otso Diretso ng Liberal Party (LP).

Kaya aniya naglabas ang Palasyo ng matrix ay upang ipakita sa publiko ang ugnayan at sabwatan ng iba’t ibang grupo para pabagsakin ang administrasyon.

“No, it’s not propaganda, it’s propaganda of these people mentioned or shown in the diagram against this administration and to boost the candidacies of the Otso Diretso. We are revealing the black propaganda against the administration,” ani Panelo.

Sinabi ng kalihim na inilalahad lamang nila sa publiko ang mga ginagawang hakbang ng oposisyon na hanggang ngayon ay gigil na gigil na mawasak si Pangulong Duterte.

Ngayong naipakita na aniya sa publiko ang plano ng LP at iba pang anti-Duterte personalities ay ipapaubaya na nila kay Justice Secretary Menardo Guevarra ang pagtukoy kung may sapat na basehan para kasuhan ang mga naninira sa Presidente.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?