549

Jun 24, 2019 @ 16:05
By

Progresibo, pinagandang lungsod, pangako ni Isko sa Araw ng Maynila

Ginunita ni incoming Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang pagdiriwang ng ika-448 taong anibersaryo ng Araw ng Maynila bilang bagong alkalde ng kapitolyo ng Pilipinas.

Sa isang pahayag, ipinaabot ni Domagoso ang kanyang pakikiisa at pagbati sa mga Manilenyo kasabay ng panawagan sa mga ito na laging alalahanin ang mga pagsubok at hamon na buong tapang na hinarap at napagtagumpayan ng mga nakaraang henerasyon para sa pagkakatatag ng lungsod ng Maynila.

Hindi man aniya naging madali ang bawat pagsubok ng panahon, patuloy pa rin naman umano ang mga Manileño sa pagsisikap at paglaban para sa magandang kinabukasan ng mga salinlahi.

Itinuring din bilang hudyat ng bagong pag-asa tungo sa pagkamit ng mga pangarap ang bawat pagsikat ng araw, ang bawat taong nagdadaan, at ang bawat panibagong simula.

Idinagdag ni Domagoso na sa kabila ng mga bagong hamon, mahalaga na magkaisa ang lahat para sa tuloy-tuloy na pag-asenso ng bawat Manileño.

Tiniyak din ni Domagoso sa mga Manileño na magtatagumpay sila sa hinagangad na tagumpay basta magkakasama ang lahat tungo sa mas progresibo at pinagandang Lungsod ng Maynila.

Samantala, nagpasalamat naman si outgoing Manila Mayor Joseph Estrada sa mga Manilenyo sa pagkakataong mapaglingkuran niya ang lungsod sa loob ng anim na taon.

Umaasa rin siya na higit na aasenso ang Maynila sa ilalim ng liderato ni Domagoso.

Iprinoklamang capital city ng Pilipinas ang Maynila noong 1571 sa bisa ng Philippine Commission Act 183 noong Hulyo 31, 1901. Nakamit ng Maynila ang lubos na awtonomiya noong Hunyo 18, 1949 sa pagkakapasa ng Republic Act No. 409 o ang Revised charter of the City of Manila.

Si Arsenio Lacson ang kauna-unahang alkalde ng Maynila na inihalal ng publiko noong 1951.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?