362

Apr 19, 2021 @ 20:39
By

Profiling sa mga community pantry organizer kinuwestiyon ng Bayan Muna

Kinuwestiyon ni Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite ang ginawa umanong profiling ng pulis sa mga organizer ng community pantries.

“Para saan itong form na pinapa-fill up ng mga pulis? Bakit kailangan tanungin kung may kinabibilangang organisasyon ang mga nagtayo ng community pantry? Is this profiling of pantry organizers necessary? Saan naman nila gagamitin ang mga impormasyon na kinukuha nila? Dapat sagutin ito ng PNP,” tanong ni Gaite.

Sinabi ni Gaite na nagsimula na rin ang “DDS trolls” sa paninira sa community pantry na pinalalabas umanong itinayo para siraan ang gobyerno at ang ginagawa nitong paglaban sa pandemya.

Duda ni Gaite maaaring ang profiling na ito ay preparasyon sa pag-red-tag sa mga organizers.

“Have you no decency?” Tumutulong na nga, tinatakot niyo pa,” wika pa ni Gaite.

Sa isang Facebook post, sinabi ni Marikit Arellano na pinuntahan ng mga pulis ang kanilang community pantry sa Pandacan, Manila at nagtanong ng kanilang pagkakakilanlan. Pinasagutan umano ng mga pulis ang isang form mula sa PNP-Joint Industrial Peace and Concerns Office (JIPCO).

“Mabuti pa siguro ay mag-donate na lang itong mga pulis kesa gawin itong profiling na ito. It is unnecessary, and it also causing anxiety among the organizers of pantries,” dagdag pa ng solon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?