77

Nov 7, 2019 @ 16:36
By

Produktong may ASF binebenta sa eskuwelahan

Pinag-iingat ni Senador Win Gatchalian ang lahat ng mga paaralan sa bansa dahil sa ulat na pinasok na ng mga nagbebenta ng mga produktong positibo sa African Swine Fever o ASF.

Ginawa ni Gatchalian ang babala matapos kumpirmahin ng Bureau of Animal Industry o BAI sa ilalim ng Department of Agriculture o DA na positibo sa ASF ang mga produktong hotdog at skinless longganisa mula sa Mekeni.

“Mahalagang mag-doble ingat ang mga paaralan lalo na’t mahilig ang mga bata sa ganitong klase ng mga produktong positibo sa ASF,” ani Gatchalian.

“Sa mga feeding program na isinasagawa ng Department of Education (DepEd), halimbawa, dapat siguruhin ng ating mga guro na gumagamit sila ng mga malinis at mapagkakatiwalaang mga produktong ipakakain sa mga bata,” dagdag pa nito.

Kasabay nito, nanawagan din si Gatchalian sa DepEd na manguna na sa kampanya at gawing bahagi ang mga magulang sa hangaring ito.

Sabi nito, kinakailangan ang lubos na pag-iingat matapos matuklasang positibo sa ASF ang ilang processed pork mula sa bansang China.

Nauna nang sinabi ni Agriculture Secretary William Dar na may 13 ASF outbreaks na nakumpirma sa apat na probinsya: Pangasinan, Pampanga, Bulacan at Rizal.

Dahil dito, mahigit 20,000 na mga baboy ang ibinukod upang maiwasan ang pagkalat pa ng ASF virus.

Higit anim na libo o 6,600 sa mga baboy ang nagpositibo sa ASF.

Bagama’t hindi naman nakakaapekto ang ASF sa kalusugan ng mga tao, binigyang-diin ni Gatchalian na dapat gawin ng mga paaralan ang lahat ng mga posibleng hakbang upang hindi makompromiso ang kaligtasan ng mga mag-aaral.

“Itong mga hakbang na maaari nating gawin, nagsisimula ito sa responsableng pamimili at lubos na pagluluto ng karne sa mga paaralan. Ito ay upang maiwasan natin ang pagkakasakit ng mga mag-aaral pati na rin ang pagkalat pa ng ASF,” ani Gatchalian.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?