199

Nov 14, 2017 @ 17:08
By

Problemadong mister, nagbigti sa QC

Sa dami marahil ng problemang kinakaharap, hindi na nakayanan at tinapos na lamang ng isang obrero ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagbigti sa sarili kamakalawa ng gabi sa Quezon City.

Kinilala ni P/ Supt. Rodelio B. Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), ang nagbigti na si Roberto Villafuerte, 46, may-asawa, at residente ng No. 67 Yale St., Brgy. E. Rodriguez, Cubao.

Sa inisyal na imbestigasyon ni SPO1 Marvin Masangkay, ng CIDU, dumalaw ang boyfriend ng anak ng biktima na nakilalang si John Roy C. Lavina, na siyang nakadiskubre sa nakabiting katawan ni Villafuerte sa loob ng bahay nito.

Laking gulat umano ni Lavina nang pagbukas niya ng pinto ay bumungad sa kanya ang nakabiting katawan ni Villafuerte kaya’t agad niya itong ipinagbigay-alam sa kanyang girlfriend na nakilalang si Christine na siya namang humingi ng saklolo sa kanilang barangay.

Nabatid sa misis ng biktima na nakilalang si Lani, nitong mga huling araw ay naging mainitin ang ulo ng kanyang mister at kung minsan ay napapansin niyang tila malalim ang iniisip nito, at nang kanyang kausapin ay sinabi lamang nito na patong-patong ang kanyang problema at hindi niya malaman kung paano lulutasin.

Hindi naman idinetalye ng misis ng biktima kung ano ang mga problema ng kanyang mister. Tumanggi na lamang itong paimbestigahan pa ang insidente dahil naniniwala naman umano siya na nagpakamatay ang kanyang mister. (Dolly B. Cabreza/With trainee Bridgette Caminoc)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?