By

Pro-revolutionary gov’t rally, walang basbas ng Palasyo – Roque

Sharing is caring!

Walang alam ang Malacañang sa ikinakasang rally ng mga pro-Duterte groups sa Nobyembre 30 para hilinging magdeklara ng revolutionary government.

Kasunod ito ng ulat na naispatan umano ang ilang opisyal ng gobyerno habang kausap ang mga organizers para sa ilalargang rally sa Huwebes.

Sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque, wala siyang alam na direktibang nag-aatas sa mga taga-gobyerno na sumama o sumali sa mga gagawing rally.

Binigyang-diin ng kalihim na malaya naman ang sinuman na maghayag ng kanilang saloobin kayat walang dahilan para pagbawalan ang mga ito kung sakaling gustong sumama.

“I am not aware of any government directive for anyone in the bureaucracy to join these rallies. These are individuals in the exercise of freedom of expression, so be it,” ang pahayag ni Roque.

Inihayag ng kalihim noong Lunes na walang banta sa Pangulo at sa administrasyon nito kaya walang dahilan para magdeklara ng isang revolutionary government.

Nakahanda na ang pro-Duterte supporters sa Davao City para sa isang malawakang rally sa Huwebes sa lungsod. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?