144

Oct 23, 2017 @ 17:29

Pro-gov’t coalition hindi pang 2019 elections – Sara Duterte

Nilinaw ni Davao City Mayor Sara Duterte na ang inilunsad niyang Tapang at Malasakit Alliance for the Philippines ay hindi gagamitin para sa pagtakbo niya sa isang national position sa 2019 midterm elections.

Ayon sa presidential daughter, wala siyang pangarap na maupo sa isang elected national position at aniya ang naiisip lang niya ay maging kinatawan ng Davao City sa Mababang Kapulungan.

Dagdag pa nito, ang binuong alyansa ay hindi partido politikan at hindi pagpapakita ng puwersa para sa susunod na halalan.

“‘Di ko naman kailangan mga taga-Luzon para sa kandidatura ko sa Davao,” ayon sa anak ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Giit nito, binuo lang ang alyansa para magkaroon ng boses ang lahat ng sektor sa lipunan at mga komunidad.

Itinanggi din nito na ang kanilang alyansa ay pantapat sa Tindig Pilipinas, na binuo naman ng mga kilalang kritiko ng kanyang ama.

“No, in fact we’re inviting them to join in turning the country to a better one,” aniya sabay dagdag, “If you don’t want to work with us just be positive.”

Dumalo sa paglulunsad kahapon ng alyansa ang mga kilalang kaalyado ng administrasyon sa pangunguna nina Foreign Secretary Alan Peter Cayetano ang misis niyang si Taguig City Mayor Lani Cayetano, Ilocos Norte Governor Imee Marcos, Manila Mayor Joseph Estrada, Philippine Amusement and Gaming Corporation Chairperson Andrea Domingo, Public Works and Highways Undersecretary Karen Jimeno, at Presidential Spokesperson Ernesto Abella.

Gayundin sina Presidential Communications Asec Mocha Uson at pro-Duterte blogger na si Bruce Rivera. (Pinggoy Romero)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?