26

Jul 26, 2021 @ 12:34
By

Priority bills ng Duterte admin, ihihirit sa SONA

Inaasahang hihirit sa Kongreso si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA) para ipasa ang mga priority bills ng administrasyon.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, kabilang sa mga inaasahang hihilingin ng pangulo sa mga mambabatas ang pagpasa sa panukalang batas para sa pagtuklas  ng sariling bakuna ng Pilipinas.

Sa ganitong paraan aniya ay hindi na aasa ang gobyerno sa mga bakuna mula sa ibang bansa lalo na kapag nagkaroon ng pandemya na gaya ng karanasan sa COVID pandemic.

“Nangunguna na po diyan yung panukalang batas na magiging dahilan para tayo po ay makapag-manufacture ng sarili nating bakuna sa Pilipinas,” ani Roque.

Kabilang din sa priority bill ng ehekutibo ay ang pagtatatag ng Center for Disease Control para mas maging epektibo ang pagtugon sakaling magkaroon muli ng mga hindi inaasahang pandemya.

“Meron din tayong mga panukalang batas na mag-establish ng Center for Disease Control ng sa ganon ay mas maging institutionalize yung ating response sa mga pandemya kung mayroon pang mga pandemya na darating ” dagdag ni Roque.

Mayroon ding iba pa aniyang priority bills ang administrasyon sa aspeto ng ekonomiya at mga panukalang batas na may kinalaman sa West Philippine Sea.

Gayunman, hindi na nagbigay pa ng dagdag na detalye si Roque kung anong mga panukalang batas ang tinutukoy nito patungkol sa West Philippine Sea.

“Meron din yung further pag-liberalize ng ating ekonomiya at saka yung ilang panukalang batas tungkol sa West Philippine Sea,” wika ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?