10

Jan 19, 2021 @ 19:15
By

Pringle vs Wright sa BPC pinakadikit sa PBA history!

Binahagi ni PBA chief statistician Fidel Mangonon III ang ilan sa mga trivia pagdating sa dinaos na 45th PBA Special Awards noong nagdaang linggo.

Isa na rito ang laban sa pagitan ng Best Player of the Conference award, kung saan si Ginebra star Stanley Pringle ang hinirang sa naturang parangal.

Ngunit dumaan sa butas ng karayom ang Gin King dahil ang kanyang panalo kontra kay Matthew Wright ang matuturing na pinakadikit sa kasaysayan ng PBA.

“Hindi rin alam ng marami na ito ‘yung pinakadikit na laban sa BPC. ‘Di ba tinalo niya si Matthew Wright ng Phoenix, 1,640 against Wright’s 1,578,” ayon kay Mangonon sa ‘Factsbreak’ segment ng Sportalakan.

“So difference lang ng 62 equivalent points,” aniya pa.

Huling naging dikit ang laban para sa BPC race ay noong 2011 PBA Commissioner’s Cup matapos talunin ni Gilas legend Jimmy Apalag si ‘The Spark’ Mark Caguioa na may lamang lang na 70 points.

Samantala, si Pringle naman ang ika-anim na manlalaro mula sa Ginebra na naging recipient ng BPC.

Nauna sa kanya sina Caguioa, Jayjay Helterbrand, LA Tenorio, Eric Menk at Marlou Aquino.

Sa Elite Five naman, na parehong nasungkit nina Pringle at Ginebra forward Japeth Aguilar, 2008 pa noong huling magkasabay ang dalawang Ginebra player sa Mythical First Team sa katauhan ng mag-tandem na sina Helterbrand at Caguioa.

Umukit naman ng kasaysayan si Aguilar para sa Ginebra sa kanyang ika-limang beses na sunod na PBA Mythical Team selection mula 2016 hanggang 2020.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?