142

By

Prime Water-Villar manasin kayo sa katakawan n’yo – Tagaytay consumer

Muli na namang umani ng batikos ang kumpanyang Prime Water Corporation na pag-aari ni dating Senate President Manny Villar at misis nitong si Senadora Cynthia Villar dahil sa umano’y mahal na singil nito sa kanilang water delivery matapos humina kamakailan ang supply ng tubig sa Tagaytay City.

Base sa Facebook post ni Teresita Lucero, 10 araw nang walang supply ng tubig sa kanyang kinalalagyan sa Tagaytay kaya’t nagpasya na ang pamunuan ng Prime Water sa nasabing lungsod na magrasyon ng tubig sa mga apektado nitong customer.

Ikinainit ng ulo ni Ginang Lucero ang umano’y garapal na paniningil ng water company ni Villar ng delivery charge na P70 kada drum ng tubig na dadalhin sa tahanan ng mga apektadong customer ng Prime Water samantalang nagbabayad naman sila ng minimum na P275 kada unang 10 meter cubic ng tubig.

“Prime Water-Tagaytay bakit may bayad ang request na deliver ng tubig n’yo? Di ba may minimum charge kayo? Grabe na kayo… P275 minimum charge P70 per drum ang deliver ng tubig n’yo. Obligasyon n’yo magdala ng tubig sa consumer di ba?” giit ni Lucero.

“Grabe na kayo sa pera… Pabulok nang pabulok sistema n’yo,” dagdag pa ng ginang.

Sa isa pang post, inihirit pa ni Lucero na “naging bulok” ang sistema sa Tagaytay City sapul nang i-takeover ng mga Villar ang Tagaytay City Water District.

“Minimum charge pa din ang rate n’yo, wala naman kayo binibigay na tubig,” wika ng residente sa Tagaytay City.

“Prime Water, malulunod kayo sa pera ng consumer mamanasin kayo sa katakawan n’yo… mahiya naman kayo, kikita kayo ng pangpakain sa pamilya n’yo na hindi n’yo nagagampanan ang tungkulin n’yo,” dagdag pa ni Lucero.

Nanawagan si Lucero sa pamahalaang panlungsod ng Tagaytay na aksyunan agad ang problemang hatid ng takeover ng Prime Water.

Nangyari ang nasabing insidente ilang araw lamang bago pumutok ang Taal Volcano.

Sa kasalukuyan ay wala na ring supply ng tubig sa buong Tagaytay matapos mawalan ng kuryente ang kalahati ng nasabing lungsod simula pa noong Linggo—kabilang na ang lugar kung saan nakapwesto ang main pump ng Prime Water matapos mag-alboroto ang Taal.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?