11

Feb 2, 2021 @ 16:03
By

Price cap sa baboy, manok hindi epektibo – Pangilinan

Hindi umano epektibo ang pagpapatupad ng cap sa presyo ng pagkain sa panahon ng kakulangan ng suplay, ayon kay Senador Francis Pangilinan, kasabay ng pagsabing, ang dapat habulin ay ang mga price manipulator na siyang dahilan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

“Dapat sampulan ang nagsasamantala. Sa ilalim ng Price Act, hanggang isang milyong piso ang maaaring multa sa mga lumalabag sa batas na ito,” pahayag ni Pangilinan, dating Presidential Assistant on Food Security and Agricultural Modernization.

“Dapat i-deputize ang NBI at PNP-CIDG at habulin yung mga nabanggit ni Secretary Dar na nagsasamantala,” dagdag pa nito.

Sabi ni Pangilinan, hindi naman bababa ang presyo ng bilihin kahit magpatupad ng price freeze sa gitna ng pandemya.

“Tumataas ‘yong presyo kahit na may price freeze. Paano ngayon ipapatupad itong price ceiling? Kung yung price freeze hindi napatupad, ano ang assurance na ‘yung price ceiling maipapatupad?” tanong pa nito.

Una nang naglabas ang Malacañang ng Executive Order No. 124 na nag-aatas na 60-araw na price ceiling sa presyo ng karneng baboy at manok sa Metro Manila kung saan ipapako sa P270 per kilo ng kasim at pigue, P300 sa liempo at P160 naman sa kada kilo ng manok.

“Kung milyon-milyong kilo ng karne ang na-import, nasaan ang mga ito? Buksan ang mga cold storage facilities at alamin kung may hoarding ba nito,” ani Pangilinan.

“Sa gitna ng pandemya na walang trabaho at kulang ang kita, hindi puwede itong price cap lang ang isasagot natin sa hirap at gutom na nararamdaman ng ating mga kababayan,” dagdag pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?