167
ABANTE-TNT-bigas-kilo
By

Pribadong negosyante, maaari nang mag-angkat ng bigas – Piñol

Sinabi ni Agriculture Sec. Manny Piñol na 15,000 metriko tonelada lang ang pinayagan ng National Food Authority (NFA) Council na maiangkat na bigas sa ilalim ng programa ng Department of Trade and Industry (DTI).

Ayon kay Piñol, isa lang sa mga negosyante ang nakapagsumite ng kumpletong requirements para sana sa 300,000 metriko tonelada na maiaangkat sa ilalim ng out-quota rice importation program ng DTI.

Ibinahagi ng kalihim na hindi alam ng mga negosyante na kasama sa requirements ang pagkakaroon ng sariling mga bodega para sa mga aangkatin na bigas.

Ngunit paglilinaw nito, hindi naman nila ibabasura ang programa dahil aniya wala naman itong deadline.

Sa ilalim ng programa, ang kondisyon para makapag-angkat ay ipagbibili nila ang bigas ng P38 kada kilo lang.

Paliwanag pa ni Piñol, ang programa ay alinsunod sa Administrative Order 13 ni Pangulong Rodrigo Duterte na layon na magkaroon ng sapat na suplay ng mga murang produktong agrikultura sa mga pamilihan.

Sa ilalim ng “Presyong Risonable Dapat” o PRD, ieendorso ng DTI sa NFA ang mga pribadong negosyante na maaaring mag-angkat ng bigas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?