37

Jan 18, 2021 @ 18:40
By

Presyo ng Sinovac napababa dahil sa pagbusisi ng Senado – Pangilinan

Nasira umano ang pattern ng overpricing sa COVID-19 vaccine kabilang ang Sinovac dahil sa ginawang paghihimay ng Senate Committee of the Whole hinggil dito.

“Palagay ko ang nangyari diyan: Nung binusisi ng Senado — dahil tayo po ang nag-deliver ng privilege speech at humingi ng Committee of the Whole hearing noong December — noong binusisi eh yun dahil dun at dahil sa mga tanong ng senador ay napababa na ang presyo,” pahayag ni Pangilinan sa media interview.

“Dati 3,600 at yun ay galing sa Department of Health mismo. Hindi naman sa amin galing yan, sinumite yan ng budget debate last December. So yun ang isang magandang resulta nitong pagbubusisi ng Senado, pinababa yung presyo nung Sinovac,” dagdag pa nito.

Sabi ni Pangilinan, dapat napigilan ang mga overpriced COVID-19 na produkto sa mga nagdaang pagdinig sa Senado.

“Alam mo dati nang may mga overpriced diyan sa Department of Health. Hindi ba noong umpisa ng Covid, yung mga testing machine si Senator [Ping] Lacson pa nga ang nag-expose niyan — overpriced. Pati yung testing kit. Ang sinisingil ng PhilHealth eh halos 9,000 pero doon sa Red Cross eh wala pang 4,000,” ani Pangilinan.

“Kaya nung nabulatlat ito sa Senado sa Committee of the Whole hearing noon, biglang bumagsak ang presyo nung testing kit at ng testing ng PhilHealth. So palagay ko yun din [nangyari dito],” dagdag pa nito.

Paniwala pa nito, nagkaroon ng adjustment sa presyo ng COVID-19 vaccine partikular ang Sinovac dahil sa ginawang pagbulatlat sa pagdinig ng Senado.

“Palagay ko ang mayroong nag-iisip na maaaring kumita kaya mataas yung presyo noong una at yun ang sinumite. Tapos noong binusisi na at nabulatlat na eh yon, medyo nabisto yung halaga bakit ganoon kamahal, ayun nagkaroon ngayon ng adjustment kaya mababa na ngayon,” ani Pangilinan. (Dindo Matining)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?