130

By

Presyo ng palay na bibilhin ng NFA sa magsasaka, itinaas

Dinagdagan ni Agriculture Secretary William Dar ang tinatawag na palay support price sa P19 mula sa dating P17 kada kilo at inutusan niya ang National Food Authority (NFA) na ikalat sa merkado ang 3.6 milyong kabang bigas para bumagsak ang presyo nito sa P27 per kilo.

Ang tinatawag na palay support price ay ang presyo kung magkano bibilhin ng NFA ang palay sa mga magsasaka kung ito ay malinis at tuyo na.

Ayon sa Department of Agriculture (DA), inaprubahan na ng NFA Council ang mga hakbang na ito sa emergency meeting noong Martes.

Ayon sa DA, ang karagdagang P2 ay maaaring magbigay ng dagdag na P8,000 na kita sa mga magsasaka na umaani ng apat na tonelada sa bawat ektarya.

Sabi ng DA, inutusan din ni Dar si NFA Administrator Judy Carol Dansal na ibenta na ang stocks ng bigas ng NFA.

Sa halagang P27 kada kilo, makakakalap ng P4.86 bilyon ang NFA pag nabenta na nito lahat ng 3.6 milyong kabang bigas na ang laman ay tig-50 kilo.

Binigyan ni Dar ang NFA ng hanggang Oktubre 10, 2019 para ubusin ang kasalukuyang imbentaryo nito ng bigas.

Sabi pa ng DA, nakikipag-usap na ito sa Department of Social Welfare and Development para bigas na lang ang ibibigay sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?