1,046

Dec 28, 2017 @ 13:55
By

Presyo ng bilihin tataas sa 2018 – Bam

Pinaghahanda ni Senador Paolo Benigno “Bam” Aquino ang publiko sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa papasok na taong 2018 bunsod ng pagsasabatas ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) .

“We won’t be surprised by the increase in prices in 2018. Ito ang dahilan kung bakit kumontra tayo sa pagsasabatas ng TRAIN dahil masasagasaan nito ang mga kababayan nating mahihirap,” wika ni Aquino.

Ginawa ng senador ang reaksiyon kasunod ng babala ng Industrial Group of Zamboanga na tataas ang presyo ng sardinas sa susunod na taon dahil sa excise tax na ipinataw sa produktong petrolyo.

“Ito’y isa lang sa inaasahan nating pagtaas sa presyo ng bilhin na ang papasan ay ang mahihirap nating kababayan,” sabi ni Aquino.

Sa ratipikasyon, kinontra ni Aquino ang pag-apruba sa TRAIN dahil sa kabiguan ng pamahalaan na ipatupad ang financial assistance program kasabay ng pagtaas ng presyo ng bilihin dahil sa probisyon ng excise tax sa produktong petrolyo at buwis sa sweetened beverage.

Ipinanukala ng Department of Finance ang cash transfer program o P200 buwanang pinansiyal na tulong sa unang taon at P300 kada buwan sa ikalawa at ikatlong taon upang mabalanse ang pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin.

Sa debate ukol sa panukala, iginiit ni Aquino ang agarang pagpapatupad ng cash transfer program upang tulungan ang mahihirap na Pilipino na pasanin ang pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo pero hindi tinanggap ng Department of Finance (DOF) ang panukala.

“In the end, poor Filipinos will bear the brunt of this tax reform program as it will increase the prices of basic commodities without the immediate cash transfer assistance to the poor,” ayon sa senador.

Inulit ni Aquino ang panawagan sa pamahalaan na madaliin ang pagpapatupad ng cash transfer program upang hindi mabigatan ang mahihirap sa pagtaas ng presyo ng bilihin.

Umaasa rin ito na sasapat ang pagtaas sa take-home pay ng mga manggagawa na balansehin ang pagtaas ng presyo ng bilihin.

Kasabay nito, hinikayat din ng senador ang pamahalaan na tutukan ang pagpapaganda sa trabaho ng Bureau of Customs (BoC) at Bureau of Internal Revenue (BIR).

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?