79

Presyo ng bilihin mataas kahit mababa ang inflation – Zarate

Kinastigo ng Bayan Muna si Budget Sec. Benjamin Diokno dahil sa umano’y pagligaw sa mga tao sa sinasabing pagbaba ng inflation noong Disyembre at noong 2018.

Ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, ang hindi sinasabi ni Diokno ay ang 5.2% na inflation average para sa 2018 ay mahigit doble ng kanilang target para sa dapat na 2-4% lamang na inflation.

Ibig anyang sabihin ay naging matindi talaga ang epekto ng TRAIN law sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Base sa pag-aaral ng IBON Foundation, ang 2018 average inflation rate na 5.2% ay pinakamataas sa loob ng 10 taon. Ang napaulat na annual average inflation rate ay tumaas sa 5.2% noong 2018 mula 2.9% noong 2017 at 1.6% noong 2016.

Sabi pa ni Zarate, ang umano’y pagbaba ng inflation ay hindi nangangahulugan na pababa na ang presyo ng mga bilihin dahil sa katunayan ay mataas pa rin ito hanggang ngayon.

“Truth to tell, the supposed deceleration of inflation from November (6%) to December, (5.1%) did not mean that prices of basic goods are already going down, as in fact these prices are still high until now,” ani Zarate.

Dapat na rin anyang asahan ng consumers ang lalo pang pagmahal ng mga bilihin dahil sa ikalawang bugso ng excise taxes sa langis. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?