41

Sep 15, 2021 @ 18:43
By

Presyo ng bigas posibleng sumirit

Pinaghahandaan na ng gobyerno ang posibilidad na maapektuhan ang supply at presyo ng bigas sa Pilipinas sa mga susunod na araw.

Ito ang inihayag ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez bilang tugon sa pangamba ni Congressman Joey Salceda na posibleng magmahal ang presyo ng bigas sa mga susunod na araw matapos hindi maabot ng Vietnam ang target production nila ng bigas.

Ang Vietnam ang isa sa mga bansa kung saan umaangkat ng bigas ang Pilipinas.

Sinabi ni Lopez na nakita na nila ang posibleng magiging problema sa mga darating na araw kaya agad na kumilos ang gobyerno sa pamamagitan ng pangkalahatang pag-adjust sa taripa sa iba pang mga bansa.

“Opo, totoo yon. Kaya nga ho ang ginawa natin a few months ago, inadjust yung taripa ng pangkalahatan para maka-source tayo hindi lamang sa Vietnam,” ani Lopez.

Isa aniya ang India sa tinitingnang posibleng pag-angkatan ng supply ng bigas maliban sa Vietnam at Thailand dahil mababa ang presyo ng butil sa nabanggit na bansa.

Sa ganitong paraan ani Lopez ay hindi nakadepende ang bansa sa Vietnam at Thailand.

“Yung India mas mura ang bigas doon at yung tariff ay ipinantay na Vietnam para mayroon tayong choices na pagkukunan ng iba,” dagdag ni Lopez.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?