99

Nov 9, 2017 @ 15:16
By

Preso patay sa pananakit ng tiyan

Patay ang isang preso sa loob ng selda matapos umanong bigla na lamang dumaing ng matinding pananakit ng tiyan sa Caloocan City kahapon ng madaling-araw.

Sa ulat ni PO1 Dennis Cano, ng Caloocan City Police- Station Investigation Division Management Branch, ganap umanong ala-1:48 ng madaling-araw nang masawi ang presong nakilalang si Vincent Amortisado, 34-anyos, water delivery boy, na nahaharap sa kasong rape in relation to RA 7610 o special protection against child in abuse exploitation and discrimination act matapos na gahasain ang isang 7 taong gulang na babaeng anak ng pinaghahatiran niya ng inuming tubig.

Bago iyon ay dumaing umano ang biktima ng matinding pananakit ng tiyan dahilan upang agad siyang isugod sa Caloocan City Medical Center.

Dito napag-alamang nagkaroon umano ng massive upper gastro intestinal bleeding, bleeding peptic ulcer disease at bleeding esophageal varices si Amortisado na nasawi rin kalaunan.

Samantala, hindi ito ang unang pagkakataon na may nasawing preso sa nasabing lungsod na ang dinadaing ay ang matinding pananakit ng kanilang tiyan.

Matatandaang noong ika-9 ng Oktubre, taong kasalukuyan din lang, ganap na alas-singko ng hapon nang bawian din ng buhay ang isang preso na si Angelo Luka Bisuna, 38, na nakulong naman sa kasong paglabag sa RA 9165 o comprehensive dangerous drug act of 2002.

Katulad ni Amortisado ay matinding pananakit din umano ng tiyan ang inireklamo ni Bisuna dahilan upang isugod din ito sa pareho ring pagamutan ngunit kalaunan ay nasawi.

Napag-alaman mula sa pamilya ni Busina na wala umano itong iniindang sakit bago ito makulong, bagay na sinisiguro pa ng mga awtoridad.

Sa ngayon kasalukuyan pa ring nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya kung saan nakatakda na ring sumailalim sa awtopsiya ang mga labi ni Amortisado upang matukoy ang mismong naging dahilan ng kanyang pagkamatay. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?