212

Apr 27, 2019 @ 19:10
By

Preso patay sa heat stroke sa kulungan

Posibleng dahil sa matinding init at sikip ng kulungan ay nahirapang huminga ang isang preso at tuluyang namatay sa detention cell ng Kamuning Police Station 10 ng Quezon City Police District (QCPD).

Kinilala ni P/Capt. Juan Mortel ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District ang namatay na preso na si Hanson Pagkalinawan Cruz, 21, binata at residente ng No. 309 Shoe Ave., Brgy. Sto Niño, Marikina City.

Sa inisyal na imbestigasyon ni P/SSgt. Bienvenido Ribaya III, ng CIDU, alas-10:45 ng umaga ay humingi umano ng saklolo ang mga kasamahang preso ni Cruz kay P/Corporal Julius Foronda, duty jail officer, nang makitang hirap na hirap na sa paghinga ang nasabing inmate.

Agad namang isinugod sa East Avenue Medical Center si Cruz subalit binawian din ito ng buhay dakong alas-otso ng gabi, ayon sa attending physician na si Dr. Gayle Joyce Salise.

Nabatid na nakulong si Cruz sa Kamuning Police Station 10 nitong nakaraang Abril 10 sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?