186

Feb 8, 2019 @ 16:38

Preso nanigas sa piitan

Isa nang matigas na bangkay nang magisnan ng mga kasamahan ang isang preso sa loob ng kanilang piitan sa Batasan Police Station 6, sa Quezon City kaninang madaling-araw.

Kinilala ni PS6 commander P/Supt. Joel Villanueva ang namatay na inmate na si Benjamin Reyes Magno, 36-anyos ng Merciful St., Sitio Veterans, Brgy. Bagong Silangan, QC.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni SPO1 Hermogenes Capili, ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), dakong alas-3:30 ng madaling-araw (Pebrero 8) nang matagpuang matigas na ang katawan at wala nang buhay si Magno ng kanyang katabing preso na nakilalang si Glenn Santiago.

Ayon kay Santiago, bago ang insidente ay naririnig niyang umuungol si Magno subalit hindi na lamang niya ito pinansin dahil sanay na silang lagi itong humihilik sa tuwing natutulog.

Subalit nang magising umano siya ng madaling-araw ay napansin niya na tila maputla at matigas na ang katawan ng kanyang katabing preso at nang tapikin niya ito ay hindi na magising kaya humingi na siya ng saklolo sa naka-duty na pulis na si PO1 Ralph Joy Barcoma.

Agad isinugod sa East Avenue Medical Center ang nasabing preso subalit wala na umano itong buhay, ayon sa attending physician na si Dr. Russel Carandang.

Hinala ng awtoridad, posibleng bangungot ang ikinasawi ng preso, gayunpaman inaalam na rin nila ang sanhi ng pagkamatay nito.

Nabatid na nakulong si Magno sa Batasan Police Station 6 noong Oktubre 2, 2018 sa kasong paglabag sa RA 9262 o Violence Against Women and Children.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?