29
escaped-prisoners
By

Preso naka-eskapo, 2 pulis sibak

Sharing is caring!

Sibak ang dalawang pulis-Quezon City matapos na matakasan ng isang preso na may kasong pagtutulak ng iligal na droga sa Quezon City.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director P/Chief Supt. Guillermo Eleazar ang mga sinibak na sina PO1 Jayson Landayan at PO1 Randy Yape na kapwa nakatalaga sa Anti-Illegal Drug Enforcement Unit ng Novaliches Police Station 4 ng QCPD.

Ayon kay P/Supt. Carlito Grijaldo, superior nina Landayan at Yape, noong Sabado ng alas-12:00 ng tanghali ay nakatakas ang tulak ng droga na si Jhan-Jhan Abacian, 21 na nadakip sa buy bust operation sa Kingspoint Subd. Katipunan Ave. Novaliches, Quezon City.

Nabatid na ine-escort ng dalawang pulis si Abacian kasama ang ilan pang preso galing sa inquest proceeding sa Quezon City Prosecutor’s Office nang matanggal ang posas nito habang sakay police mobile car sa Quirino Highway.

Sinamantala ni Abacian ang pagkakataon na tumalon mula sasakyan at mabilis na tumakbo patungo ng Sauyo market hanggang hindi na mahabol at matagpuan ng dalawang pulis.

Naglunsad na ng manhunt operation ang mga tauhan ng QCPD laban kay Abacian habang ang dalawang pulis ay nahaharap na rin sa kasong administratibo.

“Itong mga ganitong insidente ay dapat na maging aral sa ating mga kapulisan na huwag maging kampante sa pag-e-escort sa mga suspek. Sila ay dapat na maging alerto at laging nakabantay sa kanilang mga huli” sabi ni Eleazar.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?