620

Mar 7, 2020 @ 19:36
By

Preso ginawang personal driver, Bulacan police chief arestado

Dinakip ng Philippine National Police-Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) ang deputy chief ng Norzagaray, Bulacan police matapos madiskubreng ginagamit umano nitong personal driver ang isang inmate.

Ayon kay PNP-IMEG Director PCol. Ronald Lee, sa isang inspeksyon, nalamang sakay ng isang Toyota Hi-Ace van si Norzagaray Police Deputy Chief PCapt. Wilfredo Dizon Jr., na minamaneho ni Resty Cabacang, 49, bilanggo at may kasong serious physical injuries.

“We’re conducting an accounting of prisoners in the said police station in coordination with the Bulacan police headquarters. Again, this is a grave offense which will not be tolerated by the PNP leadership,” ayon kay Lee.

Inirekomenda ng IMEG ang pre-charge investigation para sa grave misconduct laban kay Dizon.

Inaalam na rin kung ilang beses pinagmaneho ni Cabacang ang opisyal gayong dapat nakakulong siya.

Mahaharap si Dizon sa kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, direct bribery at paglabag sa Article 156 ng Revised Penal Code o “delivery of prisoners from jail”.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?