388

Mar 9, 2018 @ 18:19
By

Presidente, VP, senador dapat college grad – Nene Pimentel

Hindi na umano sapat na marunong magbasa at sumulat ang mga namumuno sa bansa – mula sa Pangulo hanggang sa alkalde.

Naniniwala si dating Senate President Aquilino “Nene” Pimentel na dapat nagtapos ang mga ito ng kolehiyo dahil mabigat ang kanilang tungkulin sa bayan.

Kaugnay nito, sinabi ni Pimentel na igigiit niyang ipasok sa magiging federal constitution ang probisyon na magtatakda ng educational requirement para sa mga kakandidato sa matataas na posisyon sa gobyerno.

Kasapi si Pimentel sa consultative commission na inatasan ni Pangulong Duterte na bumalangkas ng bagong konstitusyon para sa isinusulong na federal system.

Idiniin ni Pimentel na hindi ito pangmamaliit sa kakayanan ng mga hindi nakapagtapos ng pag-aaral kundi panigurado lang na alam ng mga lider ang kanilang tungkulin at para mahikayat din ang mga gustong pumasok sa gobyerno na mag-aral.

Sa consultative committee, nanalo na sa botong 13-5 ang mungkahi ni Pimentel na itakdang college graduate o katumbas nito ang kandidato bilang senador at kongresista. (Issac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?