95
dead-body
By

Presidente ng homeowners, 2 pa dedo sa pamamaril

Isang presidente ng homeowners association at dalawang opisyal ng malaking civic organization na ang isa ay matandang lalaki ang patay matapos na tambangan ng apat na kalalakihan sa Malabon, noong Lunes ng hapon.

Sa ulat nina SPO1 Alexander Dela Cruz at PO3 Roldan Angeles ng Malabon City Homicide Unit ay ganap umanong alas-2:25 ng hapon nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng isa sa mga biktimang si Eduardo Esteron Alyas Miko, adviser ng Arya Progresibo sa Dulong Hernandez, Barangay Catmon ng nasabing lungsod, kasama niya noon ang iba pang biktimang sina Marcos De Leon, 51-anyos, presidente ng Flovihomes Homeowners Association ng Barangay Tonsuya at William Mortar, 63-anyos, organizer naman ng Arya Progresibo ng Barrio Mayamot, Lungsod ng Antipolo.

Nagpupulong umano ang tatlo tungkol sa paparating na selebrasyon ng anibersayo ng Arya Progresibo ngayong ika 30-ng Nobyembre nang bigla na lamang silang pasukin ng apat na mga kalalakihang armado ng baril at walang habas silang paulanan ng bala.

Matapos ang insidente ay mabilis ding nagsitakas ang mga salarin patungo sa hindi na nalaman pang direksiyon, patay antimano si De Leon habang nagawa pang maisugod sa Ospital ng Malabon sina Esternon at Mortar ngunit hindi na rin pinalad pang mabuhay at nasawi habang nilalapatan ng lunas.

Sa pagsisiyasat ng pulisya ay nasa 14 mga empty shells mula sa .45 caliber pistol at tatlong empty shells ng .9mm pistol ang nakuha sa lugar, agad din namang nagsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad ngunit bigo na ring masakote pa ang mga suspek.

Samantala, matatandaang nito rin lang nakaraang linggo ay tinambangan din at napatay si Barangay Catmon number 1 Kagawad Rodrigo Tambo na aktibong leader din ng Arya Progresibo sa nasabing lugar din mismo, nakikipag-usap naman noon sa isang barangay tanod si Tambo nang walang habas na pagbabarilin ng hindi pa rin nakikilalang mga kalalakihan, nagbigay din ng P200,000 na pabuya ang lokal na pamahalaan ng lungsod sa sino mang makakatulong na makaresolba sa nasabing kaso.

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng pulisya, inaalam na rin kung iisa lang ba ang mga nasa likod ng nasabing pagpatay lalo na at ang lahat ng biktima ay may kaugnayan sa iisang organisasyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?