130

Jan 3, 2018 @ 17:22
By

Preparasyon sa 2019 SEAG hosting ilalatag ni Monsour del Rosario

Puntirya ni Team Philippines Chef de Mission Monsour del Rosario ngayong 2018 ang mailatag agad ang mga plano bilang host ng 2019 SEA Games, gayundin ang hangad na maipanalo ang kanyang ikalawang termino bilang congressman ng Makati City sa May elections.

Aminado ang Chef de Mission, taekwondo Olympian, sportsman at deputado sa unang distrito sa Makati na kailangang buuin na habang maaga pa ang kanyang working committee para sa hosting ng Pinas sa 30th edition ng Southeast Asian Games.

Hiling ni Del Rosario na magkaroon ng dalawang deputy chef de mission para maging katuwang niya sa pag-monitor ng training at preparasyon ng pambansang koponan bago ang 30th SEA Games.

“I was requesting with the POC (Philippine Olympic Committee) if I can have at least two deputy chef de mission para in the meantime na hindi ako makaikot, makausap ko lang sila, ma-report lang sa akin ang mga pangyayari at magawan ng paraan na sila muna ang mag-check kung ano ba ang mga kailangan,” ani Del Rosario.

Ikalawang pagkakataon nang magsisilbi bilang chef de mission si Del Rosario matapos ang kanyang unang akto noong Setyembre ng nakaraang taon na idinaos sa Ashgabat, Turkmenistan kung saan tinulungan niya ang Team Philippines na humakot ng 2-gold, 14-silver at 14-bronze medals sa 5th Asian Indoor and Martial Arts Games (AIMAG) kung kaya’t nagpahiwatig din ang Makati congressman na muling makasama ang working committee ng PSC at POC sa 2019.

“Yung secretariat ng PSC at POC, gusto ko ulit sila makasama. ‘Yung working team namin sa Turkmenistan… kasi very smooth ‘yung pagtatrabaho namin doon sa Turkmenistan kasi para kaming pamilya,” paglalahad ng CDM.

Bukod sa SEA Games organizing committee, nasa plano rin ni CDM Monsour na ma-quarters ang pambansang atleta sa mga posibleng venues na pagganapan ng biennial sports fest. Ilan dito ang Maynila, Clark, Pampanga, Iba, Zambales; Bulacan at hometown ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Davao City.

“Sa 2019 kung puwedeng magsama-sama ang national team para maging close sila, para maging magkapatid ang turing nila sa isa’t isa.” (Ayang Mallare)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?