27
tnt_dengvaxia
May 14, 2018 @ 14:52
By

Preliminary probe sa reklamo vs Dengvaxia, sisimulan bukas

Bukas ay nakatakda na ang preliminary investigation sa reklamong kriminal na inihain ng ilan sa mga kaanak ng mga namatay na batang naturukan ng Dengvaxia sa Department of Justice (DOJ).

Sa subpoena na inisyu ng lupon na pinangungunahan ni Senior Assistant State Prosecutor Emilia Victorio, itinakda ang unang araw ng pagdinig sa May 15, 2018.

Kasama sa mga ipinatatawag ang mga complainant na kinakatawan ng Public Attorneys Office (PAO), gayundin ang mga respondent na kinabibilangan nina Dating Health Secretary Janet Garin, kasalukuyang Health Secretary Francisco Duque, mga dati at kasalukuyang opisyal ng DOH, pati na mga opisyal ng Zuellig Pharma Corporation at Sanofi Pasteurs.

Ang mga respondent ay nahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide, torture resulting in the death of any person, at torture committed against children na paglabag sa Republic Act 9745.

Ayon sa PAO, ang mga namatay ay dumanas ng multiple organ failure at brain hemorrhage.

Kasabay nito ay nakatakda rin bukas ang preliminary investigation sa hiwalay na reklamong inihain naman ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) at ng Vanguard of the Philippine Constitution, Inc. (VPCI).

Bukod kina Garin at Duque, respondent din sa reklamo ng VACC at VPCI si Dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.

Ang reklamo ng VACC at VPCI ay hawak naman ng panel of prosecutors na pinangungunahan ni Senior Assistant State Prosecutor Rossane Balauag.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?