45

Oct 20, 2017 @ 17:01

Preliminary investigation sa P6.4B shabu shipment, umusad na sa DOJ

Sumailalim na sa unang araw ng preliminary investigation sa Department of Justice ang reklamong inihain ng Bureau of Customs laban sa walong indibidwal kaugnay ng napuslit na P6.4 billion shabu shipment mula sa China.

Partikular na ipinagharap ng BOC ng reklamong paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act at paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act sina: Chen Ju Long alyas Richard Tan o Richard Chen ng Hongfei Logistics Group of Companies; negosyanteng si Dong Yi Shen alyas Kenneth Dong; Eirene May Tatad ng EMT Trading na consignee ng drug shipment at mga Taiwanese nationals na sina Chen Min at Jhu Ming Jyun.

Kasama rin sa inireklamo ng BOC ang customs fixer na si Mark Ruben Taguba; customs broker na si Teejay Marcellana; at negosyanteng si Li Guang Feng alyas Manny Li.

Sa pagdinig kanina, dumalo sina Tatad, Kenneth Dong at Manny Li.

Nagpadala naman ng abugado sina Taguba af Marcellana.

Binigyan na ng kopya ng reklamo ng BOC ang mga present na respondent sa kaso.

Itinakda naman ni Asst. State Prosecutor Charlie Guhit ang susunod na pagdinig sa November 20, 2017 para sa paghahain ng kontra salaysay. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?