67

Oct 2, 2017 @ 12:13

Preliminary investigation sa Castillo slay case, aarangkada na

Uumpisahan na bukas, Martes ang imbestigasyon ng Department of Justice (DoJ) sa kaso ng pagkamatay ng hazing victim ng University of Santo Tomas law freshman na si Horacio Castillo lll.

Kasabay nito’y muling umapela si Justice Secretary Vitaliano Aguirre ll sa mga taong nakasaksi o may nalamaman sa krimen na makipagtulungan sa DoJ upang maging testigo sa krimen kung saan ay 20 miyembro ng Aegis Juris fraternity ang inakusahan na responsable umano sa grabeng pagpapahirap na nagresulta sa pagkamatay ni Castillo sa initiation rites nito noong nakaraang buwan.

“While it is correct that a preliminary investigation in the DOJ only requires finding probable cause to file cases in court, the presence of credible witnesses is necessary to build a strong case that would convince prosecutors to indict the respondents,” paliwanag ni Aguirre.

Aminado ang kalihim na hanggang ngayon ay wala pa rin silang credible witness na tetestigo laban sa mga akusado, at wala rin aniya sa hanay ng mga akusado ang naghahayag ng pagnanais na maging state witness laban sa kanilang mga ka-brod.
Ito ay dahil pinagbabantaan umano ang mga ito ng kanilang mga superior na walang maglalaglag at kakanta sinuman sa kanila laban sa bawat isa bilang pagsunod sa pinaiiral nilang Code of Silence.

Tiniyak naman ni Aguirre na walang dapat ikatakot ang mga ito dahil pagkakalooban sila ng proteksyon ng gobyerno sa ilalim ng witness protection program (WPP) ng DoJ.

“Sana ay manaig sa kanila ang konsensya nila. Maintindihan sana nila ang sakit na nararamdaman ng pamilya Castillo na ang tanging hiling at dasal ay hustisya para kay Atio. Huwag sanang danasin ng kanilang pamilya ang dinaranas ngayon ng mga naulila ni Atio,” ani Aguirre.

Dalawang katao ang nauna nang nagparamdam sa DoJ upang tumestigo sa krimen subalit hindi naman sila nagtungo sa ahensya upang pormal na magsumite ng affidavit.

Samantala, ang sinuman aniyang nais na makipagtulungan sa DoJ para sa ikalulutas ng kaso ay maaaring makipag-ugnayan sa National Bureau of Investigation (NBI) at bibigyan sila ng agarang ayuda.

Dagdag ni Aguirre, maaari ring tumawag ang mga nais na tumestigo sa hotline ng DoJ sa kaso ni Castillo sa 0995-4429241.(Ma. Isabel Billiones)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?