112

Oct 20, 2017 @ 18:32

Pre-trial sa kasong graft ni Honasan, iniliban

Hindi natuloy ang pre-trial sa kasong graft laban kay Senador Gringo Honasan sa Sandiganbayan Second Division.

Ito’y dahil mayroon pang mga nakabitin na isyu sa korte kabilang na ang hindi pa nadedesisyunang motion to quash ni Honasan na nagpapabasura ng kanyang mga asunto.

Muling itinakda ng korte sa Disyembre 1, 2017 ang pre-trial sa kaso laban sa senador.

Nahaharap si Honasan sa dalawang bilang ng kasong katiwalian kaugnay ng umano’y iregularidad sa paggamit ng kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) noong 2012.

Base sa imbestigasyon ng Office of the Ombudsman, ipinalabas ng Department of Budget and Management (DBM) ang P30 milyong parte ng PDAF ni Honasan sa National Commission on Muslim Filipinos, bilang implementing agency, sa NGO na Focus Development Goals Foundation Inc.

Ang nasabing pondo ay para sana sa livelihood projects para sa Muslim communities sa Metro Manila at Zambales.

Inendorso umano ng senador ang nabanggit na NGO nang walang procurement requirement.

Si Honasan ang pang-apat na senador na kinasuhan kaugnay ng pork barrel scam sunod kina dating Senate President Juan Ponce Enrile, dating senador Jinggoy Estrada at Ramon Revilla Jr. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?