42

Sep 28, 2021 @ 18:10
By

Prangkisa ng e-sabong huwag paspasan – Cayetano

Nanawagan si dating Speaker Alan Peter Cayetano sa Kamara de Representantes na huwag paspasan ang pag-apruba sa panukala na magbibigay ng prangkisa sa kompanya na nais mag-operate ng online sabong (e-sabong) sa bansa.

Sumulat si Cayetano kay House Majority Leader at Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez ngayong Martes para magtanong kung tatalakayin sa plenaryo ang aplikasyon ng Visayas Cockers Club, Inc. bago mag-adjourn ang sesyon sa Setyembre 30.

“It is my fervent request that this will not be the case as it deprives the Members of the opportunity to raise questions on a bill of transcendental importance that must be discussed due to the destructive effect it has on our society,” sabi ni Cayetano sa sulat.

Umapela si Cayetano na magbigay ang Kamara ng notice sa mga miyembro isang araw bago talakayin ang panukala sa plenaryo.

“This is also to prevent delays in the discussion to ensure that the resource persons we requested to invite are present and that the documents we requested are provided – especially on the bill that I am pertaining to,” dagdag pa ni Cayetano.

Nagpahayag din ng pagkadismaya si Cayetano sa mabilisang pag-apruba sa panukalang prangkisa ng Lucky 8 Star Quest, Inc. noong Setyembre 13.

Sinabi ni Cayetano na sa loob ng isang araw ay naipasok ang Committee report ng prangkisa sa Order of Business, dumaan sa Period of Sponsorship, at naaprubahan sa ikalawang pagbasa.

Sumulat din si Cayetano kay Romualdez noong Setyembre 20 upang ipahayag ang kanyang pagtutol sa panukala pero hindi umano ito nabasa sa sesyon.

Iginiit ni Cayetano ang kahalagahan na matalakay nang mabuti ang panukala dahil ito ang unang pagkakataon na magbibigay ng e-sabong franchise ang Kamara.

“This will have grave moral implications on our daily lives,” sabi pa ni Cayetano.

Sinabi ni Cayetano na dapat ay inimbita ng House Committee on Legislative Franchises ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), Department of Education (DepEd), mga lider ng iba’t ibang simbahan at iba pang stakeholder upang makapagbigay ng posisyon ang mga ito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?