371

Prage Management Services bagong may-ari ng Abante

Sharing is caring!

Ang pahayagang Abante ay opisyal ng nasa ilalim ng pamunuan ng Prage Management Services.

Kinilala ngayon ang pahayagang Abante bilang nangungunang tagapaglathala ng balita sa Pilipinas.

Itinatag ito noong Mayo 1987, isang taon matapos sumiklab ang makasaysayang Edsa People Power Revolution.

Makalipas ang dalawang taon, sumunod namang inilathala ang Tonite, ang kapatid na pahayagan ng Abante na agad ding nakapasa sa panlasa ng mga karaniwang Pinoy saan mang panig ng bansa.

Oktubre 2017 nang isailalim ang Abante sa pamamahala ng Prage Management Services, isang pangkat ng mga namumuhunan na pinangungunahan nina dating Presidential Communications Operations Office (PCOO) Undersecretary Rey Marfil at dating Philippine Daily Inquirer senior reporter Gil Cabacungan Jr.

Samantala, ang iba pang bumubuo ng bagong bihis na Numero Unong Tabloid sa bansa ay sina Jeane Lacorte, managing editor; Jerome B. Motril, Human Resource Department; Allyson T. Mallen, Circulation at Production; Tess Escuadro, Advertising; at Nida Castro, Finance department.

Noong Hunyo 23, lumipat ang editorial department, kasama ang mga tanggapan ng human resource, accounting, advertising at MIS sa bago nitong tahanan sa 3rd floor sa Karrivin Plaza Building sa Chino Roces Avenue, Makati City na may numero ng telepono 5535579.

Mayroon ding satellite office ang Abante sa Fortunata Bldg. Vitalez Compound, Barangay San Isidro, Sucat, Parañaque; 4/F Intramall Building, 706 Escuela St. Brgy. 657, Intramuros, Manila at Unit 18 Enzo Place No. 56, 12th Avenue, Barangay Socorro, Cubao, Quezon City para tumanggap ng mga kaugnay pang transaksyon mula sa mga kalapit na lugar.

Nakatuon ang bagong pamunuan ng Abante group sa lalo pang pagpapalakas at pagpapalaganap ng operasyon nito sa buong Pilipinas gayundin sa iba pang panig ng mundo sa pamamagitan ng online news website nitong abante.com.ph habang pinananatili ang mataas na antas ng integridad at kalidad sa pamamahayag.

Batay sa ulat ng Alexa, isang online research platform sa ilalim ng amazon.com. ang abante.com.ph ang nangungunang all-Filipino news website ngayon sa Asya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?