75

Feb 3, 2020 @ 17:17
By

Power grid ng ‘Pinas inatake ng mga hacker

Inamin ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa Senado na ilang beses nang tinangkang i-hack ang power grid ng bansa subalit hindi umano nagtagumpay ang mga ito.

Sa pagdinig nitong Lunes sa Senado, inihayag ni NGCP President at CEO Anthony Almeda na nito lamang nagdaang dalawang linggo ay daang beses na inatake ng mga hacker ang power grid ng bansa.

“On the cyberattack, for the past few weeks that we’re here, we’ve been attacked a hundred times already,” pahayag ni Anthony Almeda sa pagdinig ng Senate committee on energy na pinamumunuan ni Sen. Win Gatchalian.

“So as we speak we don’t know if it’s from the outside, we’ve seen our net. That’s why this is very crucial,” dagdag pa nito.

Bago ito, binanggit ni Senadora Risa Hontiveros ang ilang kaso ng cyber attacks sa mga power grid tulad ng nangyari sa Ukraine noong 2016 at tatlong bansa – Russia, Iran at China – ang pinaghihinalaang nasa likod ng nasabing pag-atake.

“So importante talaga na masiguro natin ang energy security ng ating grid, against such cyber attacks,”ani Hontiveros.

Pero sa kabila ng mga pag-atake, iginiit naman ni Almeda na mabilis naman nila itong narerespondehan at nasasawata.

“NGCP has been responding as fast. We have 22 calamities every year. We’ve proven ourselves that we have worked hard in having an electricity for the grid,” paliwanag ni Almeda.

Nagulat at nairita naman si Senador Richard Gordon sa paghayag ni Almeda hinggil sa cyber attack sa power grid ng bansa.

“You’re just telling us that now that we are being attacked now?” tanong ni Gordon kay Almeda.

Pero paglilinaw ni Almeda, isa iyong “detection” at hindi pag-atake.

“It’s a detection,” sambit ni Almeda na bandang huli’y humingi ng paumanhin at sinabi ang tamang termino ay “detection” at hindi “attacked”.

Detection man o attacked, iginiit ni Gatchalian na dapat impormahan ng NGCP ang gobyerno tungkol dito.

“Dapat malaman namin ito because unang-una, saan nangagaling? Pangalawa bakit? Bakit kayo lang nakaakalam niyan e,” sabi ni Gatchalian.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?