9

Jul 20, 2020 @ 15:45
By

Postponement ng pasukan nakasalalay sa DepEd – Roque

Hangga’t walang bagong rekomendasyon ang Department of Education (DepEd) ay mananatili ang August 24 na pasukan ng mga estudyante para sa school year 2020-2021.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque makaraang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bagong batas na nag-aamiyenda sa kasalukung batas na nagtatakdang ang pasukan ay dapat sa unang Lunes ng Hunyo at hindi lalagpas sa huling araw ng Agosto.

Sinabi ni Roque na binibigyan lamang ng bagong batas ng flexibility ang ehekutibo kung sa tingin ay mas kailangan pang palawigin ang school opening para bumalik sa eskuwela ang mga estudyante.

“Ang desisyon po ngayon ay August 24, unless magkakaroon ng bagong rekomendasyon ang kalihim ng Department of Education baka hindi mabago ‘yung school opening,” ani Roque.

Ilang mga mambabatas at grupo ng mga gobernador ang nagmungkahi na ipagpaliban muna ang pasukan dahil hindi pa rin nawawala ang banta ng COVID-19 sa bansa.

“Pero sa ngayon, sang-ayon sa batas, upon recommendation of the Secretary of Education, ang President ang magdedeklara kung imo-move ang opening of classes,” dagdag ni Roque.

Maging si Pangulong Duterte ay naunang nagsabi na hangga’t walang natutuklasang bakuna ay hindi muna kailangamg magkaroon ng face-to-face na klase.

Sa ngayon ay inihahanda ng DepEd ang blended learning at online na pagtuturo para matiyak ang kaligtasan at kalusugan ng mga estudyante sa elementarya at high school.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?