50

Posisyon ng Bise Presidente, itsapuwera sa draft ng pederalismo

Sharing is caring!

Sa bersyon ng Kamara sa nilulutong federal constitution, imbes na Bise Presidente ang papalit sakaling ‘di matapos ng Pangulo ang kanyang termino, ibibigay ito sa Senate President bilang ‘successor’ ng pinakamataas na posisyon sa bansa.

Kung mailalatag sa termino ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nasabing draft ng Kamara, at kung piliin niyang hindi tapusin ang termino, ibig sabihin, si Senate President Tito Sotto ang uupo bilang Presidente at hindi si Vice President Leni Robredo.

Ayon sa report ng Rappler sa kanilang interbyu kay House committee on constitutional amendments chairperson Vicente Veloso, ginawa umano nila ang hakbang upang maiwasan ang posibleng mangyaring papalit-palit na liderato dahil sa nakahaing electoral case ni dating Senador Bongbong Marcos laban kay Robredo.

Sakali raw umanong manalo si BBM sa kanyang kaso at na kay VP Leni na ang posisyon, magkakagulo umano ang gobyerno sa pagpapasa-pasahan ng kapangyarihan sa pagka-Pangulo.

Ang nasabing probisyon ay nakasaad sa Section 4, Article XVII ng draft federal Constitution na iniakda ng 21 mambabatas, kasama ang House Speaker Gloria Macapagal Arroyo, na sinasabing: “In case a vacancy arises by reason of removal, resignation, permanent incapacity or death of the incumbent President, the incumbent Senate President shall act as President until a President shall have been chosen and qualified.”

Ayon naman kay Veloso, hindi pa pinal ang nasabing draft ng Kamara at maaari pang pagbotohan kung tatanggalin ang nasabing probisyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?