21

Jun 25, 2020 @ 10:15
By

Posibleng may COVID case: HRET naka-lockdown

Pinag-utos ang 14-araw na lockdown sa House of Representatives Electoral Tribunal sa Commonwealth Avenue, Quezon City.

Ayon kay Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen, Huwebes, ito’y dahil sa posibleng kaso ng coronavirus disease 2019 doon.

Work from home na aniya ang setup ng essential staff ng tribunal.

Sinabi ni Leonen, na namumuno sa HRET, na ang tinutukoy na kawani ay posibleng nahawa matapos nilang magsagawa ng staff-wide rapid test noong nakaraang linggo.

Ang kawani aniya ay isang liaison sa pagitan ng mga government office.

“As HRET Chair, I ordered the lockdown of the HRET premises for disinfection and quarantine of all its personnel for 14 days due to a possible case of COVID-19 last Tuesday afternoon,” wika ng opisyal.

“We have also informed the other government agency involved. We will inform all litigants and their lawyers,” dagdag niya pa.

Ang HRET ang tanging nagpapasya sa mga salungatan hinggil sa paghahalal at kwalipikasyon ng mga kasapi ng Kamara.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?