184

Jun 4, 2019 @ 12:48
By

Posibleng imbestigasyon kay Erwin Tulfo, bahala na ang PCOO – Panelo

Ipinauubaya na ng Malacañang kay Presidential Communications Operations Office (PCOO) secretary Martin Andanar ang pag-iimbestiga kay broadcaster Erwin Tulfo kaugnay sa matinding pagmumura nito kay DSWD secretary Rolando Bautista sa kanyang radio program.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na bahala na si Secretary Andanar na gumawa ng hakbang dahil ito ang may hawak sa departamentong may saklaw sa government communication facilities gaya ng radyo at telebisyon.

Hindi na aniya kailangan pang utusan si Andanar kung ano ang dapat gawin hinggil sa isyu.

“I will leave it to the Department secretary, what he will do,” ani Panelo.

Batid ng Palasyo na ginamit ni Tulfo ang government air time para atakehin si Secretary Bautista noong nakalipas na linggo matapos tumangging magpa-interview sa kanya.

Dahil dito, sinabi ni Panelo na ipapaubaya na nila kay Secretary Andanar kung ano ang magiging disposisyon sa naging aksiyon ni Tulfo.

Tiniyak naman ni Panelo na hindi makikialam si Pangulong Duterte sa away nina Tulfo at secretary Bautista.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?