49

Oct 13, 2017 @ 16:40

Port congestion titindi pa – BOC

Pinangangambahang humantong na sa port congestion ang paghihigpit na ipinatupad ng kawanihan sa mga dumarating na kargamento.

Sa isang pulong balitaan, nagsama-sama ang grupo ng mga customs brokers, truckers at employees sa pangunguna ng Professional Customs Brokers Association of the Philippines Incorporated para tutulan ang Memorandum Circular na may petsang September 29, 2017 na inisyu ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Isidro Lapena.

Sa ilalim ng kinukuwestiyong kautusan, obligado nang dumaan sa X-Ray ang lahat ng mga container.

Ang hakbang na ito ni Lapena ay bilang tugon sa napuslit na 6.4 billion pesos na shabu shipment mula sa China.

Pero reklamo ng mga customs broker, hindi naman beinte kwatro oras na gumagana ang tig-anim na X-Ray machine sa Manila International Container Terminal at Manila South Harbor na inooperate ng Asian Terminal Incorporated.

Kaya ang resulta, naiipon ang mga kargamento.

“Hindi ito trade facilitation, kundi trade barrier,” reklamo ni Abraham Rebao, Vice President ng Truckers Bureau ng Aduana Business Club.

Mula umano sa average na limang libong twenty foot equivalent unit na naglalaman ng dalawang container na dumarating sa dalawang port sa Maynila araw-araw, kalahati lamang sa nasabing bilang ang naipoproseso sa X-Ray Center.

Dahil sa problemang ito, pila na rin umano ang mga barko sa Manila Bay.

Kaya apela ni Rebao, gawin na lamang random o selective ang mga container na kailangang sumalang sa X-Ray dahil kung tuluyang mauwi ang problema sa port congestion, ang taumbayan ang sasalo ng epekto dahil hindi malayong mauwi ito sa pagtaas ng mga bilihin.

“Kapag nagtagal ang kargamento sa container yard, dagdag gastusin ito sa importer, at ipapasa naman ng importer sa consumer kaya ang magiging resulta, tataas ang bilihin,” paliwanag ni Rebao. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?