30

Oct 7, 2017 @ 15:26

Pope Francis binatikos ang online pornography

Sa kanyang kauna-unahang pagsalang sa Facebook Live, binigyang diin ni Pope Francis ang kahalagahan na mabigyan ng proteksyon ang mga kabataan mula sa pang-aabuso na dala ng “digital world.”

Si Pope Francis ay nagbigay ng mensahe sa World Congress on Child Diginity on the Digital World na idinaos sa Roma at dinaluhan ng mga eksperto at pinuno mula sa mga digital company kabilang na ang Facebook at Microsoft, law enforcement, medisina at akademya.

Sa kanyang mensahe, tinalakay ng Santo Papa ang problema ng online bullying, pornograpiya at ang pambibiktima sa mga bata ng mga pedophile.

Ayon sa Santo Papa, responsibilidad ng mga internet company na pangalagaan at ipagtanggol ang mga kabataan mula sa sekswal na pang-aabuso at iba pang panganib na maari nilang danasin mula internet.

“With great foresight, you (digital company) have concentrated on what is probably the most crucial challenge for the future of the human family: the protection of young people’s dignity, their healthy development, their joy and their hope,” bahagi ng mensahe ni Pope Francis.

Ayon sa Santo Papa, ang karumal-dumal na aktibidad sa internet kabilang na ang live viewing ng sekswal na pang-aabuso at pananakit sa mga menor de edad sa pamamagitan ng tinawag niyang “Dark Web” ay kinakailangan nang matigil.

“We would be seriously deluding ourselves…were we to think that a society where an abnormal consumption of internet sex is rampant among adults could be capable of effectively protecting minors,” giit ng Santo Papa.

Ipinunto pa niya na bagamat ang internet ay nagbukas ng bagong lugar para sa malayang pagpapahayag at palitan ng ideya, maling isipin na ang paggamit nito ay sakop ng “unlimited freedom.”

Sa puntong ito, sinabi ng Santo Papa na malaki rin ang papel na gagampanan ng mga otoridad, “This has nothing to do with the exercise of freedom: it has to do with crimes that need to be fought with intelligence and determination, through a broader cooperation among governments and law enforcement agencies on the global level, even as the net itself is now global.” (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?