60

Sep 19, 2019 @ 21:26
By

Pool ng mga naturalized player kailangan – Panlilio

Hindi lang sa roster, pati sa naturalized player ay balak na rin ng Samahang Basketbol ng Pilipinas na magkaroon ng pool.

Dadaan sa Kongreso ang naturalization ng isang foreign player para maging Filipino at makapaglaro sa National team.

Mahabang proseso, pero kailangan.

Si Andray Blatche ang huling naturalized center ng Gilas Pilipinas, naglaro sa 2014 at 2019 FIBA World Cups.

Ang suhestiyon ni SBP president Al Panlilio, pagsabay-sabayin nang gawing naturalized Filipinos ang prospects na maglalaro sa Gilas.

Lalo’t host ang Pilipinas ng susunod na World Cup sa 2023, misyon na bumawi mula sa pangungulelat sa nakaraang edisyon ng torneo sa China. Walang naipanalo ang Gilas sa limang laro, pinakahuli sa 32 teams na sumabak.

“As I’ve said in the past, we would need, at the very list, two names, if not three, para isang proseso na lang for naturalization,” ani Panlilio.

Sabay-sabay, isang bagsakan na lang.

Kapag may reserves na naturalized player ang Gilas, pipili na lang kung sino ang tatapikin para isabak sa international tournaments ng FIBA, depende sa makakalaban.

Pero nilinaw ni Panlilio na bago umpisahan ang pagsulong sa proseso ng naturalized pool, kailangan munang maghanap ang SBP ng coach na hahawak sa Gilas. Pag-uwi galing China ay nag-resign si coach Yeng Guiao.

Kung nakatanaw ang SBP sa 2023, magiging malaking factor ang edad ni Blatche. Sa susunod na World Cup ay 37 na siya.

Isa sa lumulutang na puwedeng gawing naturalized player ay si Justin Brownlee. Pero 31 na rin ngayon ang resident import ng Ginebra. Nakalistang 6-foot-7 si Brownlee, pero pasado sa Governors Cup na may height limit na 6-5. Kailangang mas malaki ang makuha ng Gilas. Si Blatche na 6-11 na ay halos ipagtulakan at iniiwan lang ng bigs ng European teams.

Ang San Miguel Beer import noong Commissioner’s Cup na si Chris McCullough, nagpahaging noon na gusto niyang maglaro sa Gilas.

Mas bata si McCullough sa edad 24, may taas na 6-foot-9.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?