40

By

Pondo para sa Bahay Pag-asa huhugutin sa DILG budget – Sotto

Tiniyak ni Senate President Tito Sotto na mapopondohan ngayong taon ang pagpapatayo ng mga Bahay Pag-asa, ang mga institusyon kung saan ipapasok ang mga batang gumawa ng krimen na tinaguriang children in conflict with the law.

Ayon kay Sotto, maaari itong ihabol sa panukalang pambansang badyet para ngayong taon dahil nakasalang pa ito sa Bicameral Conference Committee.

Puntirya na umanong paghugutan ng pondo para sa Bahay Pag-asa ang P21 bilyon na bahagi ng 2019 budget ng Department of Interior and Local Government (DILG) na hindi nito hiningi pero ibinigay ng Department of Budget and Management (DBM) at Kamara.

“Tingnan mo, meron sa DILG ngayon na P21B na hindi alam ng secretary kung para saan. E di ang laki ng pwede nating ilagay sa Bahay Pag-asa,” ani Sotto.

Bukod pa iyon sa P75B na idinagdag ng DBM sa Department of Public Works and Highways na gusto ng ilang senador na paghugutan ng pondo para sa Bahay Pag-asa.

Sa Juvenile Justice Law, ang mga lokal na pamahalaan ang inuutusan na gumastos ng P10M para magpatayo ng Bahay Pag-asa at aambagan ng Department of Social Welfare and Development pero hindi nasusunod.

Ayon kay Sotto, ang national government na ang dapat umako ng responsibilidad na ito para mas mabilis na maipatayo ang mga institusyon para sa mga menor de edad. (isaac mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?