25

By

Pondo ng Pangulo, itutulong sa mga magbababoy

Ipapagamit ni Pangulong Rodrigo Duterte ang natitirang contingency fund nito para tulungan ang mga magbababoy na naapektuhan ng African Swine fever.

Ito ang isa sa mga natalakay sa ginanap na cabinet meeting ng Pangulo sa Malacañang nitong Miyerkoles ng gabi.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na hiniling ni Agriculture Secretary William Dar sa Pangulo na gamitin ang natitirang contingency fund ng Office of the President (OP) para matulungan ang mga hog raiser at magtalaga ng cold storage area sa mga entry point sa bansa para siyento porsiyentong ma-monitor ang pagpasok ng mga karne sa bansa.

Positibo naman aniya ang naging tugon ni Duterte at ibinigay ang go signal para magamit ng DA ang pondo.

“To address the issue of African Swine Fever, the Chief Executive approved Agriculture Secretary William Dar’s request to use the remaining contingent fund of the Office of the President (OP) for the indemnification of hog raisers and designate cold storage areas in the ports of Manila, Subic,Batangas, Cebu and Davao for 100% monitoring of meat products entry,” ani Panelo.

Gayunman, hindi tinukoy ng kalihim kung magkano ang halaga ng natitira pang contingency fund ng tanggapan ng Pangulo.

Nauna rito, inihayag ng Crisis Management Committee on ASF na may pangangailangang mabigyan ng mas mataas na halaga ng ayuda ang mga nag-aalaga ng baboy na tinamaan ng ASF dahil matinding pagkalugi ang nararanasan ngayon at hindi sapat ang tinatanggap na tatlong libong piso kada baboy mula sa ahensya.

Hindi pa rin matigil ang pagkalat ng sakit na tumatama sa mga baboy dahil nakita naman ito sa mga alagang baboy sa Caloocan City at Malabon City nitong nakalipas na linggo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?