29

Sep 10, 2021 @ 20:24
By

Pondo ng ‘Bayanihan’ para sa mga tsuper hindi ginastos

Hiniling ni Senadora Grace Poe sa Department of Transportation (DOTr) na ipaliwanag kung paano nila ginamit ang P9.5 bilyong pondo ng Bayanihan 2 na para sana sa mga manggagawa sa sektor ng transportasyon na tinamaan ng pandemya kasunod ng mga ulat ng mababang paggastos ng ahensya.

“Dahil sa lockdown, nawalan ng trabaho ang ating mga driver. Maraming healthcare workers ang hindi makapasok sa trabaho dahil walang transportasyon. Tapos nandiyan na ‘yung pera, bakit hindi natin binibigyan ng trabaho ang mga driver at suwelduhan sila?” saad ni Poe.

“Hindi ba tayo naaawa sa mga driver na namamalimos? Iyong umaasa sa bigay o nakapila sa mga community pantry para may makain ang pamilya nila? May pera naman pala, bakit hindi gamitin para makaahon man lang sila?” dagdag pa niya.

Makaraang kuwestiyunin ang Department of Budget and Management (DBM) sa pagdinig ng Senado nitong Huwebes, nabatid ni Poe na ang buong P9.5-bilyong pondo mula sa Bayanihan 2 para sa mga programa ng DOTr ay nailabas na.

Sa naturang halaga, nasa P5.58 bilyon ang inilaan para sa pansamantalang kabuhayan ng mga tsuper at operator na nawalan ng kita sa pamamagitan ng ‘service contracting’; P2.604 bilyon sa pag-alalay sa mga negosyo sa industriya ng transportasyon na kritikal na naapektuhan; at P1.316 bilyon para naman sa pagsasaayos ng mga bangketa at ‘bicycle lanes’, pagbili ng mga bisikleta at iba pang ‘safety equipment.’

Sa isang pahayag sa media noong Agosto ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board, isa sa ahensya sa ilalim ng DOTr, binanggit nito na nailabas na ang P1.5 bilyon para sa mga benepisyaryong tsuper sa buong bansa at para sa pagkuha ng Systems Manager, na siyang responsable sa pag-develop at pamamahala ng lahat ng ‘project systems’.

Sinabi ni Poe na kukunin niya ang paliwanag ng DOTr makaraang maiulat na sa P1.5 bilyon, tanging P653 milyon lamang ang nakarating sa kamay ng mga benepisyaryong tsuper.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?