21

Jun 23, 2022 @ 14:48
By

Poll workers nganga pa rin sa extended service pay

Mahigit isang buwan matapos ang May 9 elections, hindi pa rin umano natatanggap ng mga guro ang kanilang P2,000 extended service pay.

Ayon sa Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines Secretary General Raymond Basilio, sumulat na sila sa Commission on Elections (Comelec) kaugnay nito subalit wala pa ring natatanggap na tugon.

Ang P2,000 dagdag na bayad ay ibibigay sa mga poll workers na nagsilbi ng mahigit 24-oras noong halalan kalimitan ay dahil sa problema sa vote counting machine.

Ipinangako na ibibigay ito noong Mayo 25 subalit hindi umano ito natupad, ayon kay Basilio.

Samantala, pinuri naman ng ACT ang Comelec sa pagsulat nito sa Bureau of Internal Revenue (BIR) upang hingin ang opinyon nito kaugnay ng nakolektang buwis mula sa election service pay ng mga guro.

Kinaltasan ng Comelec ng buwis ang kita ng mga guro sa halalan pero matapos ang eleksyon ay naipasa ng Kongreso ang panukala upang maging libre sa buwis ang election service compensation.

“We call on the BIR not to collect the taxes withheld by the Comelec so that these can be returned by the Commission to the poll workers when the legislation lapses into law by July 1,” sabi ni Basilio.

Umapela rin si Basilio kay Pangulong Rodrigo Duterte at President-elect Ferdinand Marcos Jr. na huwag harangin ang pagsasabatas ng panukala.

“Kung ayaw nilang pirmahan, huwag nila itong i-veto dahil tiyak na aanihin nila ang galit ng mga guro at iba pang election workers. Produkto ito ng tatlong taon naming paglaban at karapat-dapat lamang na maibsan na ang pasanin ng poll workers sa buwis,” dagdag pa ni Basilio.

Umaasa rin si Basilio na magiging maayos ang pagbabalik ng ikinaltas na buwis sa mga guro kapag naging batas na ang panukala.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?