624

Dec 27, 2018 @ 12:37

Politikong suspek sa pagpatay kay Batocabe, bantay-sarado ni Duterte

Binalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang politikong hinihinalang utak sa pagpatay kay Ako Bicol party-list Rodel Batocabe na lumantad at patunayang wala itong kinalaman sa krimen.

Dinalaw kagabi ng Pangulo ang burol ng pinatay na kongresista sa Daraga, Albay at binigyan siya ng briefing ng Philippine National Police (PNP) sa tinatakbo ng imbestigasyon.

Sa ambush interview sa Presidente ay sinabi nitong palaging suspect ang politiko sa mga napapatay na kalaban nito sa politika kaya’t hinamon niya ito na magpakita dahil hindi lamang aniya ang pulitiko ang magaling kumalabit ng baril.

“The ugly picture of politics here is pinapatay yung kalaban. This guy has been known to be a suspect. Suspect na lang palagi. Kung ganon, ikaw. Remember that you have to move around and you are not the only one who can pull a trigger. Hindi kita tinatakot. As a matter of fact sabihin mo lang kung nasaan ka,” anang Pangulo.

Sinabi ng Presidente na huwag magkakamali ang suspek na politiko na galawin ang posibleng papalit kay Batocabe dahil tiyak na madidisgrasya ito.

“’Di puwede yung ganon. I’m talking to you. Just like the widow, sabi ko sa kanya may substitute. It could be anybody, chosen by… kung sino yung piliin ng mga tao dito. Huwag mong galawin, sa totoo lang madidisgrasya ka.

Lahat ng mga mayor na matigas ang ulo talagang… p*tang *na, sabihin ko hindi lang ikaw ang marunong dito sa mundo. So it could be the widow, it could be the son, it could be the brother,” dagdag pa ng Pangulo.

Dahil sa nangyaring pagpatay kay Batocabe, inatasan ng Pangulo ang militar at pulisya sa Albay na pairalin ang law and order at huwag hayaang maulit ang insidente sa iba pang pulitiko o kandidato aa lalawigan.

“Kaya kung ako sa iyo, huwag ka na munang maglakad because I am placing the entire Armed Forces and the police na na-assigned dito to maintain law and order,” wika pa ng Presidente.(Aileen Taliping)#

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?