1,509

Dec 1, 2021 @ 20:13
By

Political rally ni Marcos Jr. sa QMC ekis na

Ibinasura ng kampo ni presidential aspirant Ferdinand Marcos Jr., ang pagdaraos ng political rally sa Liwasang Aurora ng Quezon Memorial Circle (QMC).

Sa halip magsasagawa na lamang ito ng motorcade sa Quezon City sa Disyembre 8.

Ayon kay Anakalusugan Rep. Mike Defensor nakipag-ugnayan ito sa main headquarters ni Marcos Jr., matapos na ibasura ang kanilang request na magsagawa ng rally sa Liwasang Aurora at sabihan na gawin na lamang ito sa basketball court.

“Dun po sa pakikipag-usap naman sa BBM main headquarters, nagkaisa na kami na i-withdraw nalang yung request given na mayroong mga denial (ng request) before,” sabi ni Defensor, mayoral candidate ni Marcos Jr., sa Quezon City.

Ipinakita ni Defensor sa media ang sulat ng QMC isa ay nagsasabi na gawin na lamang nila ang aktibidad sa basketball court at isa na natanggap nila kahapon ng hapon na nagsasabing maaari na nilang gamitin ang Liwasang Aurora pero mayroong mga kondisyon.

“Hindi na ho namin papatulan o hindi na kami magsasabi pa na dyan kami at makikipag-usap sa kanila kung ano pang kondisyon ang ibigay nila sa amin,” dagdag pa ni Defensor.

Nilinaw ni Defensor na nabuo ang desisyon na huwag ng ituloy ang political rally bago pa man dumating ang sulat na nagsasabi na maaaring pag-usapan ang paggamit ng Liwasang Aurora.

“Hindi pa naman approval ang binigay nila they still want to meet to discuss certain conditions sa paggamit ng Plaza (Liwasang) Aurora,” dagdag pa ng solon.

Batay sa inilalatag na plano, gagawin ang motorcade sa Commonwealth Avenue at Quezon Avenue.

Hinihintay pa umano ang kumpirmasyon kung sasama sa motorcade si presidential daughter at Davao City Mayor Sara Duterte Carpio na running mate ni Marcos.

Sinabi ni Defensor na nakatuon ngayon ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) dahil gagawin ang motorcade sa national road. (Billy Begas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?