103

Dec 24, 2017 @ 19:17
By

Police power gamitin ng gobyerno sa panahon ng kalamidad – Legarda

Iminungkahi ni Senadora Loren Legarda na gumamit na ang gobyerno ng kamay na bakal sa paglilikas ng mga residente sa mga lugar na tiyak nang daraanan ng bagyo.

Kailangan na aniyang gamitin ang police power ng estado upang maging puwersahan na ang paglilikas dahil marami ang matitigas ang ulo.

Karaniwan aniyang namamatay sa kalamidad iyong ayaw iwanan ang mga bahay kahit may bagyo at kahit delikado sa baha at pagguho ng lupa ang kanilang tirahan.

Gaya na lang aniya ng mga residente sa isang barangay sa Tubod, Lanao del Norte na hindi lumikas kaya pinangangambahang nilamon ng bumahang putik sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Vinta noong Biernes.

May mga nasasawi rin aniya dahil pasaway gaya ng mga pumalaot pang barko sa lalawigan ng Quezon na Mercraft 3 kahit may bagyong Vinta.

Lima ang iniulat na nasawi sa paglubog ng barko at ay mga pinaghahanap pa habang nailigtas ang higit 200 iba pang pasahero.

“Nakikiramay tayo sa mga nasawi at nais nating hindi na ito maulit pa. Kung titingnan mo yung mga nasawi naagapan sana. Kung sapat ang information drive. Kung lumilikas ang mga tao. Dapat ilabas na ang police power. Ipagbawal ang pagpalaot, pangalawa, forcibly evacuate them to a higher ground. Isama na ang mga pulis at sundalo,” diin ni Legarda.

Sa bagyong Vinta, halos 200 ang pinangangambahang nasawi.

Samantala, tiniyak ni Legarda na may sapat na pondo ang mga inaasahang kalamidad na papasok sa bansa sa susunod na taon.

May P25 bilyong quick response fund, dating calamity fund, sa ilalim ng pambansang budget para sa taong 2018.

Ang P10 bilyon ay para sa marawi rehabilitation habang ang natitirang P15 bilyon ay hinati hati sa Office of the President at sa iba’t ibang ahensya na tutugon sa kalamidad kung saan kabilang ng DSWD, DPWH, Department of Agriculture at Department of Trade and Industry. Isaac Mendez

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?