83
Eleazar
Jan 29, 2019 @ 18:45
By

Police districts, inatasang makipagpulong sa Muslim communities

Inatasan ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) Chief, Police Director Guillermo Eleazar ang mga police district na makipagpulong sa mga pinuno ng Muslim communities matapos ang naganap na pagbobomba sa Jolo, Sulu.

Sa pagbisita kaninang umaga ni Eleazar sa Northern Police District (NPD), inatasan niya si PChief Supt. Rolando Anduyan na makipag-ugnayan sa mga pinuno ng mga kapatid na Muslim na naninirahan sa nasasakupang mga lungsod ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela.

Layunin ng nasabing pakikipagpulong ang mapag-usapan ang mga hakbang para matiyak ang kapayapaan at makabuo ng parehong aksyon upang mapangalagaan ang kaligtasan ng bawat mamamayan laban sa mga posibilidad ng terrorist attack.

Paalala rin ni Eleazar na nananatili ang full alert status sa Metro Manila habang nanawagan sa publiko na maging mapagmatyag laban sa mga kahina-hinalang galaw ng kahit na sino at makipagtulungan sa pulisya sa pamamagitan ng mabilis na pagre-report sa mga pinaghihinalaang tao o gamit na iniwan.

Nagtungo rin si Eleazar sa LRT Monumento Station at nagsagawa ng inspeksyon upang matiyak na alerto ang mga security personnel at mga pulis na nakatalaga gayundin upang masiguradong tama ang isinasagawang inspeksyon sa mga gamit ng mga pasahero.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?