103

Oct 28, 2017 @ 15:10

POEA binalaan ang OFWs vs ‘third country’

Nagbabala ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa mga overseas Filipino workers (OFWs) laban sa mga recruiter na nag-aalok na sila ay lumipat ng trabaho sa isa pang bansa.

Ito’y makaraang makatanggap ang POEA ng ulat na may mga Pilipinong household service workers (HSWs) sa Hong Kong, Singapore at Cyprus ang hinihimok na lumipat ng trabaho sa ibang bansa gaya ng Dubai, Mongolia, Turkey at Russia.

Ang mga recruiter ay pawang mga mamamayan ng tinatawag na third country na nakikipagsabwatan sa ilang Pilipino sa kanilsang aktibidad.

Ayon sa POEA, may mga ulat silang natatanggap na may mga Pilipinong nabibiktima at nagbabayad ng malaking halaga para makabiyahe sa third country gamit ang tourist visa pero wala namang katiyakan na may mapapasukan silang trabaho.

May mga ulat din umano na ilan sa mga Pilipino na pinalad na magkatrabaho sa third country ay dumaranas ng pang-aabuso mula sa employer, at dahil wala silang dokumento para magtrabaho sa nasabing bansa, sila ay inaaresto at ipinade-deport ng mga immigration officer.

Babala pa ng POEA, ang recruitment para sa third country ay ikinukunsiderang iligal kung ang recruiter o ang employer ay walang sapat na permiso mula sa gobyerno ng Pilipinas. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?