48

Jan 3, 2022 @ 15:57
By

Poe: Water shortage paghandaan

Kailangang maghanda ang gobyerno sa pagtugon sa posibleng kakulangan ng suplay ng tubig sa gitna ng ulat na pagbaba ng antas ng tubig sa Angat Dam, ayon kay Senadora Grace Poe.

Hindi katanggap-tanggap ang kakapusan ng suplay nito ngayong pandemya, lalo na’t ang paghuhugas ng kamay ay isang paraan para maiwasan ang virus,” pahayag ni Poe sa isang statement.

“Kritikal ang tuluy-tuloy na serbisyo ng tubig na pangunahing pangangailangan sa lahat ng aspeto ng buhay, kalusugan at kabuhayan,” dagdag pa nito.

Sabi pa ni Poe, chairman ng Senate committee on public services, dapat maagapan ng mga regulator ng pamahalaan at mga pribadong concessionaire ang problema habang nag-uumpisa pa lamang at bago pa ito tuluyang maging krisis.

Kailangan din aniya ang pakikipagtulungan ng mga industriya at tahanan bilang katuwang sa konserbasyon at episyenteng paggamit ng tubig.

“Nararapat na matutukan natin ang implementasyon ng ating pambansang programa sa tubig, maging ang mga inisyatibo sa ibang mapagkukunan nito, para matiyak ang matatag na suplay. Hindi maaaring umasa na lamang sa awa ng kalangitan na magbigay ng ulan,” diin ni Poe.

Dagdag pa ng mambabatas, ang muling pag-apruba sa prangkisa ng dalawang pangunahing water concessionaire sa bansa – Maynilad at Manila Water – kamakailan ng Senado ay may kaakibat na hamon para sa mas mabuting serbisyo at pagpaplano upang matugunan ang pangangailangan at pagkakapantay-pantay ng lahat sa pagtanggap nito.

“Hindi dapat maging bahagi ng ating pamumuhay ang kakulangan sa tubig. Umaasa tayo sa reporma sa pamamahala at imprastrukturang karapat-dapat ilaan para ating mga kababayan bilang kanilang pangunahing karapatan,” ayon pa kay Poe.

Sa website ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, nakasaad doon bumaba sa 202.80 metro ang lebel ng tubig sa Angat dam mula sa dating 212 metro bago magtapos ang 2021.

Jak Roberto isiniwalat kung kailan siya na-inlab kay Barbie Forteza

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?